Thursday, 5 May 2011

Ang simula ng lahat




Una sa lahat, nais kong ipaabot ang aking pasasalamat sa lahat ng nagbigay ng kanilang ideya at concepto sa akin upang mabuo ko ang artikulo na ito. Sa kauna-unahang pagkakataon, nabigyan ako ng opportunidad na magpapahayag ng kritisismo at personal na saloobin patungkol sa mga bagay na may kinalaman sa napapanahong katayuan at estado ng lipunan. Napili kong bigyan ng daan ang pagsulat ng magagandang bagay na maglalarawan sa kung ano na ang mga naging hakbang tungo sa maunlad na bansa na tinatanaw ng bawat isa sa atin,at kung ano na ang mga naging progreso ng bansang Pilipinas sa kasalukuyan.

Kung ikaw ang tatanungin ano na ba ang narating ng Pilipinas sa kasalukuyan?

Marahil napapaisip kayo kung bakit mas pinili kong bigyan ng pansin ang magagandang aspeto patungkol sa lipunan samantalang, kung susuriin, higit na mas madami ang mga negatibong bagay na tila itago man sa likod ng salapi ay pilit itong kumakawala sa tiyak na kahihiyan. Ganunpaman, marami pa ring mga magagandang bagay ang nangyari sa bansa at ito ang nais kong pagtuunan ng pansin.

Bilang isang Pilipino, naging saksi ako sa mga naging pagbabago sa bansang Pilipinas maging sa positibong paraan man ito o sa negatibo. Namulat akong taglay ang prinsipyo ng aking mga magulang na ang kasipagan sa anumang bagay ang magdadala sa maunlad na katayuan sa buhay. Ito marahil ang nakita kong dahilan upang bigyang pag-asa ang tila naghihingalong sistema ng ating lipunan sa kasalukuyan.

Hindi maitatanging mayaman ang bansang Pilipinas, makulay ang ating kultura at kasaysayan. Ganap na pinahahalagahan ang gawaing Espiritwal at ang magagandang asal na taglay natin mula pa sa ating mga ninuno. Kung tatantuin, maraming dahilan upang magbigay daan sa ganap na pag-unlad ng bansa ngunit tila hindi yata ito ang nangyayari sa kasalukuyan. Marahil, sa aking sariling pananaw maling pamamaraan ng pamamalakad ng mga namumuno ang pangunahing dahilan kung bakit hindi maayos ang sitwasyon, gayundin ang paggamit ng pinagkukunang yaman ng bansa.

Simple lang ang mga dahilan ng pagbagsak ng isang lipunan at nag-uugat ito sa pag-uugali ng bawat indibidwal. Ilan sa mga ito ay ang pagiging makasarili, kasinungalingan, pagnanakaw, at pagkakabahabahagi ng pananaw na nagbubunga ng kawalan ng pagkakaisa. Kung ang bawat Pilipino ay magiging tuwid sa kanilang pamumuhay, mas malaki ang garantiya ng pag-unlad.

Sabi ng iba kong mga nakapanayam patungkol sa isyung ito, pagiging practical daw ang pinapairal ng karamihan pagdating sa paraan ng pamumuhay, wala akong nakikitang mali sa bagay na ito.ngunit ang pagkakaroon ng magandang buhay sa maling pamamaraan ay maituturing ding mali. Maaring sabihin ng iilan na mabuting paraan naman ang kanilang ginagawa ngunit sa isang banda, may mga bagay tayo na ginagawa na maaring tama, ngunit nagkakaroon ng masamang implikasyon na nakaaapekto sa nakararami gaya na lamang ng mga Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang kumita ng malaking halaga para sa kanilang pamilya. Kung iisipin, malaki ang bahagdan ng mga magagaling na mangagawa ang umaalis ng bansa taon-taon, halos 8.2 Million o sampung porsyento ng kabuuang populasyon ang naghahangad ng magandang buhay sa ibang bansa.

Maaring nakakatulong sila sapagkat malaki ang porsyento ng dolyar na kanilang naibibigay sa ekonomiya ng bansa. Ngunit paano naman ang mga kababayan natin na higit na nangagailangan sa kanila? Hindi ba't sa Pilipinas sila nag-aral? Ang ilan pa nga ay pinag-aral pa mismo ng mga kababayan natin gamit ang buwis na kanilang ibinabayad sa pamahalaan? Marapat lamang na pakinabangan sila ng bansa. Naiintindihan ko na ang layunin nila ay kumita ng malaki. Sino nga ba naman ang mag-nanais na iwanan ang kanilang mga mahal sa buhay at makipagsapalaran sa ibang bansa? Kung maibibigay lang sana ng bansa ang kanilang pangangailangan hindi na sila mangingiming mangibang bansa o umabot pa sa pagkakataya ng kanilang buhay kapalit lamang ng malaking halaga..

Kung ating iisiping mabuti, malaki ang garantiya ng magandang buhay dito sa bansa kung magiging maayos lang ang lahat ng bagay. Ngunit paano kaya ito mangyayari? Ang sagot katanungang ito ay nakasalalay sa bawat isa sa atin. Hindi natin ito pwedeng basta na lamang ipaubaya sa mga namumuno sa bansa. O di kaya'y sa mga nakapag-aral lamang at makapangyarihan sa lipunan. Bawat isa taglay ang pusong mapagmalasakit at ang pananampalataya sa Diyos, magagawa nating maging maunlad.

No comments:

Post a Comment